Kwento ng Isang Ina

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako.Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila ako daw ang pinakamaganda at
pinakasikat sa aming lugar noon. Ang bango-bango ko daw, sariwa at
makinis. Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang
kinabukasan ko.
Tara makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.
Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto, naakit.

Ang hirap pag lahat sa iyo virgin eh. Tinanggap ko naman silang
tao, bakit kaya nila ako ginago? Masakit alalahanin, iniisip ko na
lang na kase di sila taga rito, siguro talagang ganoon. Tatlong
malilibog na foreigners ang namyesta sa katawan ko, na-rape daw ako.
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko
makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari,
hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan nya kasi akong makalimutan yung
mga sadistang Hapon at Amerikano.
Kase, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing
ginagamit niya ako. Ibang klase siya mag-sorry, lalo pa at kinupkop
niya ako at ang mga naging anak ko.

Parating ang dami naming regalo – may chocolates, yosi, ano ka! May
datung pa! Nakakabaliw siya, alam kong ginagamit nya lang ako pero
pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan
mag-inggles, di lang magsulat ha! Magbasa pa! Hanggang ngayon, sa
tuwing mabigat ang problema ko, siya ang tinatakbuhan ko. ‘Yun nga
lang, lahat ng bagay may kapalit. Nung kinasama ko siya, guminhawa
buhay namin. Sosyal na sosyal kami.

Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya.

Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya
akong pinapatay. P*** ng I**! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa
katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang
tanga tanga ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng mga anak ko,
napalayas ko ang animal pero ang hirap magsimula.

Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa
kanya. Lubog na lubog pa kami sa utang, kulang ata pati kaluluwa
namin para ibayad sa mga inutang namin.

Sinikap naming lahat maging maganda ang buhay namin.

Ayun, mga nasa Japan, Hong Kong, Saudi ang mga anak ko. Yung iba
nag-US, Europe. ‘Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala
naman silbi, masaya daw sa piling ko, maski amoy usok ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan
namin, siya din ang dami ng mga anak ko na namamantala sa kabuhayan
at kayaman na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming
lahat. Dumating ang panahon na di na kami halos makaahon sa hirap
ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.
Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa
akin. Napakasakit tanggapin na malinlang.

Akala ko ay makakakita ako ng magiging kasama sa buhay sa mga ahas
na ipinakilala ng mga anak ko Hindi pala.

Ang tanga ko talaga. Binugaw ako ng sarili kong mga anak kapalit ng
kwarta at pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.

Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking mga
anak. Wala akong ibang yaman kundi ganda ko. Pinagamit ko na lang
ng pinagamit ang sarili ko, basta maginhawa lang ang mga anak ko.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi
at naaawa. Puta na kase ang isang magandang tulad ko.

Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki
talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki. Kulang na
kulang. Paano na lang ang mga anak ko naiwan sa aking punyetang
puder? Baka di na ako balikan o bisitahin ng mga nag-abroad kong
mga anak.

Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama ko lang
ang pagmamahal ng mga anak ko.Malaman nila na gagawin ko ang lahat
para sa kanila.

Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako.
Meron pa din ang bilib sa akin.Napapag usapan pa din. Sa tuwing
nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko.

Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling
nga ng mga anak ko, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay
sa kahit anong gawin. Tama man o mali. Proud ako sa kanila. Kaso
sila, kabaligtaran ang nararamdaman para sa akin.

Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May
malasakit man, nahihilaw. Ni di nga ako kinikilalang ina. Halos
lahat sila galit sa isa’t isa. Walang gusto magtulungan,
naghihilahan pa. Ang dami ko ng pasakit na tiniis pero walang
sasakit pa nung sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin.

Kinapital ang laspag na ganda ko. Masyado silang nasanay sa sarap
ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga
kilala sarili ko.

Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko.
Isang buwan pa, magbabagong taon na.

Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap usapan na ang
susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga anak ko. Sana may magtanggol
naman sa akin, ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw:
“INA NINYO AKO!
MAHALIN NYO NAMAN AKO!”

Sige, dumadrama na ako. Masisira na ang make up ko nito eh.
Salamat ha, pinakinggan mo ako.

Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.

Pilipinas nga pala.

kchute.blogspot.com/2004/12/kwento-ng-isang-ina_22.html

  1. flora
    September 12, 2009 at 10:51 am | #1

    an0 ba talagang nangyari sau?????? kc ito ung project k0 ehH..

    ASAP……

  2. ischoolskmsantos
    July 27, 2009 at 4:20 am | #2

    ok lng un,.

  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: